Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Monday, July 26, 2010

Ang Awitin ng Puso ni Ploning

Para sa isang pinakamamahal na kaibigan. Ang inyong lingkod ay laging may iisipin, laging may aalalahanin at laging may hahanaping isang mahalagang tao na naging malaking bahagi ng buhay ko.
Mahihirapan ako ngayong wala ka na Kapatid, ayaw ko pa rin maniwala.Tulungan mo sana ako at ang iba pang mga taong malapit sa'yo na tanggapin ang katotohanang dapat naming ipagpatuloy ang buhay namin na hindi ka na kasama. Maraming,maraming salamat sa lahat ng tiwala,suporta at pagmamahal.


Ang Awitin ng Puso ni Ploning


Hindi namin naramdaman
ang kawalan ng ulan.
Sa mga panahong sinusunog
ni Haring Araw ang buong kalupaan.
Natuyo ang ilog at nalagas ang mga dahon,
pero tinulungan mo kaming ngitian ang mga hamon.

Hindi namin naramadaman ang
hagupit ng bagyo,
kahit pa naglalawa na ang mundo.
'Sanlaksang kulog at kidlat ang dumating,
ngunit sabi mo'y 'wag kaming dumaing.

Nalimot namin ang lupit ng pag- iisa,
pinawi mo ang pakiramdam ng kawalang pag- asa.
Dinala at pinakilala sa iba pang daigdig,
tinulungang buksan ang nakapinid na isip.
Isang malakas na tulak ang ilalahad sa aming pag- atras,
at sa bawat magandang gawa'y isang tapik sa balikat.

Isang matatag na punong masaganang namunga;
Isang ilog na dumaloy at bumuhay sa balana;
Isang munting oasis sa isang malawak na disyerto;
Isang bulaklak na sumibol sa gitna ng delubyo;
Isang kamag- anak na labis ang pag- alala;
Isang tunay na kapusong higit pa sa kapamilya;
Isang gurong nagturo kung pa'nong magmahal at lumaban,
At isang kaibigang kailanma'y di nang- iwan.

Naririnig namin ang 'yong tinig,
tinatangay ng marahang ihip ng hangin.
Kay hirap pagmasdan ang iyong paglayo,
kay bigat sa loob ang 'yong pagsuko.

Nakangiti ka...alam namin.
Masaya ka at maligaya,
sa isang bagong pakikipagsapalaran.
Sana'y baunin mo ang aming pag- ibig.
Dalhin mo ang aming walang hanggang pasasalamat.
Dalangin namin ang 'yong mapayapang paglalakbay.
Isang munting pangako ang hinding- hindi namin babaliin-
ito'y ang laging alalahanin,
ang awitin ng puso mo "Ploning".